
Palaging tinatanong yan ng mga kakilala ko na nalalamang uwian ako sa Bulacan araw-araw mapa 7am ang pasok ko o 1pm. Lagi ko namang sinasagot “Walang pera pangdorm”. Kahit na totoo yon, pakiramdam ko hindi sapat na dahilan yon para tiisin ko ang hirap ng biyaheng pa-Maynila at pabalik na walang tulog at wala man lang oras para mag-unat. Napaisip tuloy ako, kung pera lang, madaling mag-ipon, bakit nga kaya hindi ako nag dorm?
Nalaman ko yung sagot nitong Lunes lang, habang katabi ko ang mama ko at nasa balikat niya ang braso ko, sa harap ng fx, papasok sa eskwela. 7am ang pasok ko non, at saktong maaga din ang “call time” ni mama sa opisina kaya nagsabay na lang kami. Sa totoo lang, mahirap, pero hindi sobrang hirap na hindi ko makakaya. Sinabi ko na lang sa sarili ko, makakabawi naman ako ng tulog mamaya pag-uwi ko. Hehe.
Habang binabaybay namin ang kaguluhan sa SM Fairview, napatingin ako sa mama ko na noo’y papikit-pikit na ang mga mata at nasabi ko sa sarili ko, hindi lang ako ang walang tulog ngayong araw na ‘to, hindi dapat ako magreklamo. Oo totoo nga, ang hirap ng buhay estudyante, ang hirap ng buhay may trabaho, ang hirap ng buhay tambay, ang hirap ng buhay. Lahat mahirap, walang madali, lahat may bayad, walang libre, lahat nagpapalit, underwear mo lang hindi. Hehe.
Nakaranas na ba kayo ng biglaang commercial, sa totoong buhay? Yung eksenang may bigla-bigla kayong maiisip tapos madidistract na kayo hanggang umabot sa punto na akala niyo yon na ang realidad na tumatakbo sa buhay niyo? Ayon, parang ganon ang nangyari sa akin sa fx papuntang Quiapo. Habang nakatitig ako sa mama ko, sa kanyang papikit-pikit na mata at mala-bangin na mga eye-bag, nakita ko ang buhay niya sa araw-araw. Nakita ko ang paggising niya ng maaga, ang pagpupumilit niyang masarap ang luto niya, ang paninigaw niya sa amin ng ate ko sa tuwing pumapalya kami, ang sagutan nila ng papa ko na hindi ko maintindihan kung bakit. Lahat ng yon, sabi ko sa sarili ko, punyeta mas mahirap pa kaysa sa paggising ng alas-2 ng madaling araw. Nakita ko rin ang pagbababad niya sa computer kakagawa ng worksheets sa trabaho, minsanang Candy Crush at Bingo, pabagets na nakikipag chat sa H.S. batch niya. Nakita ko ang paltos-paltos niyang kamay bunga ng ilang taong paghihirap at pagsasakripisyo para palakihin ng maayos ang dalawang supling na suwail. Nakita ko ang lahat ng yon at sinabi ko sa sarili ko, aba punyeta ka, ang lakas ng loob mong hangarin ang tumira liban ang pamilya para lang makabawas hassle!
Nang bumalik ang isip ko sa fx na sinasakyan namin, naisip ko, ang mama ko, hindi kami iniwan para tumira sa ibang bahay, hindi kami iniwan para makatipid sa pamasahe, hindi kami iniwan para makapagSEX araw-araw, hindi kami iniwan para hindi malate pagpasok, at hindi kami iniwan para mapadali ang buhay niya. Hindi. Pumirme siya dito sa amin dahil mahal niya kami. Hindi siya umalis dahil kailangan namin siya.
Ngayon, habang sinusulat ko ‘to, (na hindi dapat ako nagsusulat ng ganito kasi may pinapabasa ang prof namin na 3 essay para bukas) naisip ko lang na sana, pagkatapos ‘tong mabasa ng mga nagtatanong parin, malaman na nila kung ano ang nakatago sa likod ng “Walang pera pangdorm”. Na sana nalaman niyo na ang tunay kong dahilan.
Kung wala ako, sinong maghuhugas ng pinagkainan? Kung wala ako, sinong maglolock ng gate? Kung wala ako, sinong magpapalit ng tubig sa water dispenser? Kung wala ako, sinong magtuturo sa tito ko kung paano magbura ng browsing history? Kung wala ako, sinong bibili ng toyo, suka, asin, paminta, Coke, yosi, at load? Kung wala ako, sinong lalaki sa bahay na ‘to?
Kung wala ako, paano sila?
Kung wala ako, paano ang nanay ko?
Stand fast young man!
Your father has left you.
The door was left open
and the keys are there before you.
There are rules that
need to be followed
Bending them is necessary only
when your path seems too narrow
Seasons change, tides are pulled, even mountains move!
Remember that in every morning’s wake
the Sun will always rise from the East
and will always set in the West
And to every ear and every heart
who feels and hears, I wake thee with a start
Let my voice penetrate that stubborn head
heed my morning words instead
For sometimes it is not wise
to let loose the sail and the wind you ride
after all, lemons are given by life
but it takes much more to make a lemonade right.

Okay. Kung sino ka man, thank you. Hehe :”) ♥